Dimples Romana at Asawa nito, Sinurpresa ang Kasambahay nila ng 17 taon ng Bagong House and Lot
Sa panahon ngayon, ay napakahirap makatagpo ng makakasama sa bahay na mag-aasikaso at magmamahal sa ating pamilya gaya ng ating pagmamahal. Isang tapat at mapagkakatiwalaang kasambahay kung saan ay malaki ang naitutulong sa ating pamilya dahil sa kanilang kasipagan at sakripisyo para sa pamilyang hindi naman nila kadugo.
Bihira nga makatagpo ng ganitong kasambahay, kaya naman napakapalad ng aktres na si Dimples Romana at asawa nitong si Boyet sa pagkakaroon ng kasambahay na tulad ni Ate Vilma, o tinatawag nilang Ate V. Si Ate V ay kasambahay na ng pamilya nina Dimples sa loob ng 17 taon. Tubong Zamboanga si Ate V, walang asawa at mga anak, kung kaya’t ang atensyon nito ay nabuhod sa pamilya ni Dimples.
Sa loob ng mahabang panahon, ay pinatunayan ni Ate V ang kanyang katapatan at pagmamahal sa pamilya ni Dimples. Kaya naman, bilang ganti sa kabutihan at mahabang panahon na paninilbihan ni Ate V sa kanilang pamilya ay naghandog ng isang surpresa si Dimples at si Boyet para rito.
Kilala na si Dimples sa pagkakaroon niya ng mabuting kalooban at pagiging matulungin, ngunit sa pagkakataong ito, ay espesyal ang taong kanyang tutulungan dahil hindi nila ito kadugo pero itinuring nilang kapamilya sa loob ng mahabang panahon.
Sa latest vlog ni Dimples, ipinasilip niya ang kaganapan sa pagsurpresa kay Ate V. Ang buong akala ni Ate V, ay papaupahan ng mag-asawa ang bahay at isinama lang siya upang maging bahagi ng vlog. Masayang nilibot ni Ate V ang kabuuan bahay, at makikita na nagustuhan naman nito ang disenyo ng bahay. Nagbiro pa nga si Ate V, na parang ginawa umano ang bahay para sa kanya, at saktong-sakto siya para rito.
Nang madako na sa isang silid sa 2nd floor, ay hindi muna agad pinapasok si Ate V ng mag-asawa. Ngunit, nang masilayan ni Ate V ang mga salitang “Oo para sa iyo ito” na nakadikit sa pader at may kasama pang standee ni Ate V, ay halos hindi ito makapaniwala at naging emosyunal. Tila nga nasagot, ang katanungan ni Ate V, na ang bahay nga ay para sa kanya talaga. Hindi narin napigilan nina Dimples at Boyet ang maiyak sa naging reaksyon ni Ate V.
Ayon nga kay Ate V, ay hindi niya talaga inaasahan ang surpresa sa kanya ng mag-asawa kaya naman labis ang kanyang pasasalamat sa mga ito. Sa unang pagkakataon na lumabas ng bahay si Ate V matapos ang halos 6 na buwan, ay isang napakagandang surpresa nga ang sumalubong sa kanya.
Ayon naman kay Dimples, ang surpresang handog nila kay Ate V, ay paraan ng kanilang pasasalamat sa sakripisyo at hindi pag-iwan nito sa kanilang pamilya, kahit pa may mga pagkakataon umanong hindi nila ito napapasahod. At ngayon nga, ay ito na ang tamang panahon upang gantihan ang kabutihan ng kanilang kasambahay na si Ate V sa kanilang pamilya.
“Salamat sayo, Ate V. May mga buwan na hindi ko na-swelduhan yang si Ate V. Late kami nag-suweldo kasi abot-abot yung bills namin ni Boyet. Ang dami naming binabayaran. Pero yang si Ate V, never siyang umalis samen. Na-appreciate ko, Ate V. Kaya, it’s payback time.”
Source: Ptama
0 comments: